--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng kilos protesta ang ilang grupo ng mga Pro-Palestinian sa France upang ipanawagan ang pagbabawal sa Israel na makalahok sa Paris Olympics dahil sa nagaganap na giyera sa Gaza.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Dick Villanueva ng France, nais ng mga Palestinian na pigilang makapaglaro sa Paris Olympics ang mga manlalarong mula sa Israel.

Aniya daan-daang Pro-Palestinian protesters ang nagrally sa headquarters ng Paris Olympics Organizers upang pigilan ang partisipasyon ng Israel sa Summer Games dahil sa ginagawa ng bansa sa Gaza na itinuturing nilang genocide.

Aabot na kasi sa halos apatnapung libong katao ang nasawi sa Israel-Hamas war na hanggang ngayon ay hindi parin natatapos.

--Ads--

Wala pang pasya ang Olympic Committee patungkol sa hiling ng mga Pro-Palestinian protesters.

Matatandaang hindi pinayagan ng komite ang Russian Athletes na makalaro sa Olympics sa ilalim ng watawat ng Russia at wala ring pinayagang Russian government officials sa mga laro.

Ito rin ang nais ng mga Pro-Palestinian protesters na maipataw sa Israel.

Naging mapayapa naman ang protesta at kaunting bilang lamang ng pulisya ang nagbantay.