CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng ilang mga residente ng Rang-ay, Cabatuan, Isabela ang di umano’y Quarrying sa kanilang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lorena Ojas, residente ng Brgy. Rang-ay sinabi niya na halos isan daang metro na lamang ang layo ng kanilang mga bahay mula sa umano’y quarry site.
Aniya, nagdudulot din ito ng pagbaha dahil umaabot na sa kanilang bahay ang tubig kapag umaapaw ang ilog.
Maliban dito ay nakakaapekto din ito sa ilang mga sakahan na malapit sa ilog dahil unti-unti itong gumuguho dahil sa umano’y matagal ng quarrying activities sa lugar.
Malaking perwisyo din para sa mga residente sa naturang barangay dahil sa alikabok na nagmumula sa mga dump trucks na dumadaan araw-araw.
Sa isang araw aniya ay hindi bababa sa limampung dump trucks ang dumptruck na dumadaan sa barangay na mula sa quarry site.
Samantala, iginiit naman ng Alkalde ng bayan ng Cabatuan, Isabela na walang quarry operations sa Barangay Rang-ay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernardo “Pangyong” Garcia ng Cabatuan, Isabela sinabi niya na ang aktibidad sa naturang ilog ay rehabilitation lamang at hindi quarry.
Ito aniya ay alinsunod sa Executive Order na inilabas ng Gobernador ng Isabela at naisangguni sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Aniya, kinakailangang magsagawa ng rehabilitation dahil nagkaroon umano noon ng massive quarry operations sa kaparehong ilog at natabunan ang agusan ng tubig.
Maliban sa rehabilitation ay nagsasagawa din sila ng desiltation kung saan tinatanggal nila ang lahat ng mga nakabara sa water ways gaya na lamang ng buhagin kaya mayroon umanong mga dump trucks na naghahakot ng buhangin.
Aniya, kung nakitaan ng violation ang rehabilitation ay ipapahinto nila ito kaagad.
Ayon sa Alaklde, ang supervision ng naturang aktbidad ay ang mismong barangay na siyang nakatutok sa lugar.
Plano naman nila na maglagay ng flood control sa ilog na nasasakupan ng Barangay Rang-ay at ng iba pang barangay sa Cabatuan.
Nagtataka din umano siya kung bakit walang nakakarating na reklamo sa kaniya ang mga residente ng Rang-ay kaugnay sa isyu sa ilog.
Makikipag-ugnayan naman na aniya siya sa Provincial Task Force kung ano nga ba ang talaga ang mga aktibidad na isinasagawa sa ilog maliban sa rehabilitation dahil sila umano ang nakatututok dito maliban sa mismong barangay.