CAUAYAN CITY – Umabot sa dalawampu’t-siyam na tablet ang ninakaw ng mismong empleyado sa opisina ng Municipal Planning and Development Office ng Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na mismong empleyado ang suspek sa pagnanakaw sa Echague Municipal Planning and Development Office o MPDO na nasa loob mismo ng munisipyo kung saan nakuha ang dalawamput siyam na mga bagong tablet.
Aniya Martes nang madiskubre ng mga empleyado na nilooban ang kanilang opisina kung saan holiday noong Lunes kaya walang pumasok na empleyado.
Dito na nila nalaman na nawawala na ang nakakarton na dalawamput siyam na unit ng tablet na nagkakahalaga ng halos P300,000.
Sinubukan naman ng isang empleyado na magsearch sa online kung ibinebenta na ang mga ninakaw na tablet at nakita na na may ibinibentang kahalintulad ng unit sa lungsod ng Santiago.
Agad silang nakipag-ugnayan sa pulisya na nagsagawa ng operasyon at nalaman din na mayroon na ring impormasyon ang Santiago City Police Office Station 1 na may lalaking nagbenta ng maraming unit ng tablet sa bentahan ng mga secondhand na cellphone.
Natukoy nama kung sino ang pinagbentahan at nakuha rin ang pagkakakilanlan ng person of interest na empleyado mismo ng LGU Echague at labing isang unit na lamang ng tablet ang narekober ng mga otoridad.
Hanggang ngayon ay hindi rin matagpuan ang hindi pa pinangalanang empleyado at hindi pa rin pumapasok sa kanilang opisina para sana imbitahan ng pulisya para sa imbestigasyon.
Kasalukuyan pa naman ang paghahanda sa isasampang kaso laban sa kanya bago makapagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan upang siya ay mahuli.