CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos na bumangga sa isang kotse sa kahabaan ng Barangay Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang mga nasugatan ay ang driver at angkas ng motorsiklo na minamaneho ni Rodel Garri, apatnapung taong gulang, may asawa at residente ng Poblacion, Sta Maria, Isabela, kasama si Maribeth Singh Tagami, 25-anyos, isang call center agent mula sa Alabang, Muntinlupa.
Nakilala naman ang driver ng kotse na si Maricris Matterig , 40-anyos, na residente ng Brgy. San Luis, Solano, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na ang aksidente ay kinasangkutan ang isang kotse at isang motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon ng Bayombong Police Station ang kotse ay patungong Bambang habang ang motorsiklo ay patungo sa Bayombong Proper papauwi na sa Isabela subalit nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa harapan ng isang hotel ay bumangga ang motorsiklo sa papalikong kotse na umanoy umagaw ng linya.
Bilang resulta ay nasugatan ang driver at angkas ng motorsiklo na agad dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.