--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling iminungkahi ng grupo ng public transport sa bansa ang pangmatagalang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition sinabi niya na ang plano ng pamahalaan na pamamahagi ng ayuda sa mga pampublikong transportasyon ay isang band aid solution lamang at hindi magtatagal.

Aniya paulit-ulit na nangyayari na halos kada linggo ang malakihang oil price hike habang kapag nagrollback ay katiting lamang na halaga.

Malaki ang epekto nito sa halaga ng pasahe sa mga pampublikong transportasyon na hindi naman agad na nakakapagtaas dahil dumadaan pa sa maraming hearing.

--Ads--

Sakaling magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay hindi malayong magsagawa muli sila ng mga kilos protesta upang aksyunan ito ng pamahalaan.

Kailangan na aniyang pag-aralan ng pamahalaan ang price ceiling upang maibagay ang pamasahe sa presyo ng petrolyo na hindi na dadaan pa sa LTFRB para sa pag-apruba.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapansin ng pamalaan ang kanilang mungkahi na pagsuspinde sa excise tax kung tumataas ang presyo ng petrolyo.

Ayon kay Ginoong Lim kung hindi magagawan ng solusyon ng pamahalaan ang nasabing problema ay patuloy na maghihirap ang mga pilipino pangunahin na ang mga public transport.