CAUAYAN CITY – Nahuli sa aktong nagpa-pot session ang isang lalakeng magsasaka na kabilang sa Street Level Individual sa Purok 1, General Aguinaldo, Ramon, Isabela.
Naaresto si Alyas Long matapos itong isumbong ng isang confidential informant na di umano’y kasalukuyang nagsasagawa ng pot-session sa isang maliit na bahay na matatagpuan sa bukid ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Ramon Police Station sinabi niya na matapos nilang malaman ang impormasyon ay agad na nagtungo ang mga pulis upang ito ay beripikahin at naaktuhan nila ang suspek na kasalukuyang sumisinghot ng hinihinalang shabu sa loob ng nasabing bahay dahilan upang siya ay arestuhin.
Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang pakete nang hinihinalang shabu; isa pang nakabukas na pakete ng hinihinalang shabu; isang pirasong aluminum foil, isang improvised foil tooter na naglalamaman ng bakas nang hinihinalang shabu at dalawang disposable lighter na may improvised needle.
Ang suspek maging ang nasamsam na ebidensya ay dinala sa himpilan ng Ramon para sa dokumentasyon at naaayong disposisyon.