CAUAYAN CITY – Namahagi ng toilet bowls ang Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan sa mga mamamayan na bahagi ng pagpapatupad ng ordinansa na Zero Open Defecation sa lungsod.
Aabot sa isang milyong piso ang pondo sa nasabing ordinansa kung saan ipinagbabawal ang pagkalat ng human waste sa mga kabahayan at pagtatapon nito sa mga ilog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Luzviminda Mauricio ng Sillawit, Cauayan City, sinabi niya na nakatanggap na sila ng labing anim na sanitary toilet bowl na kanila namang ipapamahagi sa mga residenteng walang sariling palikuran.
Kulang pa aniya ang naipamahagi sa kanila dahil maraming residente ang wala pang sariling palikuran.
Bago makatanggap ng toilet bowl ay kailangan muna nilang maghukay ng septic tank upang matiyak na magagamit agad ang ipapamahagi ng LGU at hindi ibebenta ng makakatanggap na residente.
Ikinatuwa naman nila ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa upang matiyak ang kalinisan sa lungsod at upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na dulot ng mga human waste at iba pang basura.