--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinag-utos ng Pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia ang pagbabawal sa pagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw sa oras ng alas dose ng tanghali hanggang alas tres ng hapon.

Ito ay kasunod ng matinding init ng panahon na nararanasan sa nasabing bansa kung saan umabot na sa mahigit isang libo ang nasawi pangunahin na ang mga dumalo sa Hajj Pilgrimage.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jobel Tingle na pumapalo sa 40-45 degree celcius ang temperatura doon kaya naman pinaiigting ng pamunuan ng Kingdom of Saudi Arabia ang pagpapatupad ng safety measures upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi.

Aniya, 83% sa mga nasawi ay elderly at karamihan sa mga ito ay mga egyptian, indonesian at Indian habang ang ilan ay undocumented o walang pagkakakilanlan.

--Ads--

Kada taon aniya ay pinaghahandaan ng Pamahalaan ng Saudi Arabia ang summer season ngunit ngayong taon lamang naitala ang pinakamaraming bilang ng nasawi dahil sa init ng panahon.

Nang dahil dito ay nananatili na lamang sa loob ng bahay ang mga Overseas Filipino Workers at pinapaalalahanan naman nila ang kanilang mga kababayan na uminom ng maraming tubig at huwag masyadong magbilad sa sikat ng araw para maiwasang magkaroon ng heat-related illnesses.