CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng malawakang kilos protesta ang grupo ng mga health worker at labor groups sa mismong araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jao Clumia ang Convenor ng Private Healthcare Workers Network, sinabi niya na naghahanda na ang grupo nilang mga health workers para sa nalalapit na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos.
Aniya bilang bahagi nito ay magsasagawa sila ng pagkilos para maipaabot ang kanilang hinaing sa Pamahalaan.
Inaasahan naman nila na makikiisa ang ilan pang labor group para sa isasagawa nilang kilos protesta sa mga piling lugar na itatakda ng mga otoridad.
Una rito ay ang 750 pesos na dagdag sahod sa Metro Manila, ilalabi ito ng grupo para idulog ang pagpapalabas ng wage order ng National Wages Productivity Commission, maliban pa sa mga hinaharap na suliranin ng mga manggagawang nasa health sector.
Maliban dito ay inaasahan ng grupong matatalakay ang ilan sa mga pangunahing problemang kinakaharap ngayon ng bansa kabilang ang lumalalang girian sa West Philippine Sea at usapin sa pulitika.