--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawing myembro ng Communist Terrorist Group o CTG sa naganap na sagupaan ng militar at NPA sa Barangay Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija noong ikadalawamput anim ng Hunyo, ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Jimson Masangkay, Division Public Affairs Office Chief ng 7th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na unang narekober ng mga kasapi ng 84th Infantry Battalion ang bangkay ng pitong myembro ng CTG sa pinangyarihan ng engkwentro at kahapon ay natagpuan ang tatlo pang bangkay ng mga babaeng rebelde.

Sa ngayon ay tatlo na lamang sa mga ito ang hindi pa nakikilala dahil may mga pamilya namang nakikipag-ugnayan sa kanila upang tanungin kung ang mga nasawi ay kanilang kapamilya.

Aniya ang mga labi ng mga nasawing CTG Member ay nasa isang punerarya sa Pantabangan Nueva Ecija.

--Ads--

Ayon sa 84th Infantry Battalion hinabol nila ang mga ito galing Aurora at dumaan sila sa Nueva Vizcaya at umabot sa Nueva Ecija.

Maliban sa mga nasawing rebelde ay narekober din ang labing limang matataas na kalibre ng baril at iba pang gamit pandigma at subersibong dokumento sa lugar ng engkwentro.

Kabilang sa mga nasawi ang buong pamunuan ng grupo tulad ng platoon leader, secretary at squad leader habang wala namang nasugatang sundalo sa naganap na sagupaan.

Batay sa kanilang pagtaya nasa mahigit dalawampung rebelde ang nakasagupa nila sa nasabing lugar na ikinasawi ng sampung myembro ng rebeldeng grupo.