--Ads--

CAUAYAN CITY – Tatlong katao ang nasugatan matapos mabangga ng SUV ang isang E-Bike sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na magkasunod na binabagtas ng SUV at E-Bike ang daan at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay hindi napansin ng tsuper ng SUV ang kasunod na E-Bike kaya niya ito nabangga sa likuran.

Bagamat nakapagpreno ang tsuper ng SUV ay inabot pa rin ang E-Bike at natumba sa sementadong daan kung saan nagtamo ng mga sugat sa katawan ang tsuper ng E-Bike at dalawang pasahero nito na kinabibilangan ng isang menor de edad.

Agad namang nadala ng mga rumespondeng rescuer ang mga biktima sa Region 2 Trauma Medical Center o R2TMC para sila ay malapatan ng lunas.

--Ads--

Ayon sa tsuper maaring nalingat ito at hindi nakita na may sinusundan siyang E-Bike na nagdulot upang mabangga niya ito.

Base sa kuha ng CCTV sa lugar, nasa gilid ng lansangan ang E-Bike nang mangyari ang aksidente.

Muli naman niyang pinaalalahanan ang publiko lalo na ang mga motorista na tiyaking nasa kondisyon ang sarili kung magmamaneho at huwag nang uminom ng alak kung bibyahe para makaiwas sa aksidente.

Pinaalalahanan din niya ang mga may E-Bike na iwasan ang pagdaan sa mga pambansang lansangan dahil mahigpit itong ipinagbabawal.