CAUAYAN CITY – Tinupok ng apoy ang nasa humigit kumulang tatlumpung stalls malapit sa Pribadong Pamilihan sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Pasado alas singko nang sumiklab ang sunog at pasado alas sais ay natupok na ang mga stall dahil mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing tindahan.
Nagtulong tulong ang mga Bumbero ng Lunsod maging ilang fire volunteers at iba pang himpilan ng BFP kagaya ng BFP Alicia at BFP Luna para maapula ang apoy na lumamon sa mga stalls kabilang ang kainan, grocery store at tindahan ng itlog.
Inaalam pa ang naging sanhi o san nagsimula ang sunog maging kabuuang halaga ng mga napinsalang stalls.
Ipinaliwanag naman ng BFP Cauayan na normal lamang ang naririnig na bahagyang pagsabog kanina habang nasusunog ang mga stalls dahil sa mga panindang baterya ng cellphone ng ilang stalls, bagamat hindi naman talaga sumabog ang mga tangke ng LPG ay bahagyang nagkaroon ang mga ito ng leak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, mangiyak-ngiyak si Ginang Michelle Abalda dahil sa sinapit ng kaniyang tindahan.
Aniya, nagising na lamang siya nang matanggap ang masamang balita na kabilang ang kaniyang pwesto sa natupok ng apoy.
Ayon naman ka Mike Gabanes na kabubukas lamang niya ng pwesto ng mapansin niyang may umuusok at wala pang ilang minuto ay sumiklab na ang malaking apoy.
Aniya, dahil maaga siyang nagbukas ay nakapag salba siya ng kaunting mga gamit mula sa kaniyang tindahan ng isda.
Labis naman ang nararamdamang panlulumo ni Ginang Elvira Bautista, Grocery Store Owner dahil sa umabot sa higit isang milyon ang halaga ng natupok niyang paninda dahil katatapos lamang nilang nag display kahapon ng mga panindang bigas.
Hindi din aniya agad na naapula ang sunog, nagawa pang makapasok sa loob ng groserya ang kaniyang asawa para sana magsalba ng gamit subalit agad ding lumabas matapos na pumutok ang kanilang refrigirator.
Kasamang nasunog ang lahat ng kanilang stock maging ang perang pinagbentahan nila.
Dahil wala na siyang magagawa ay pipilitin nilang muling makabangon.
Panawagan niya sa Pamahalaang Lusnod ng Cauayan na sila ay tulungan lalo at halos wala silang naisalbang mga gamit at paninda.