CAUAYAN CITY – Tiwala ang Isabela Police Mobile Force Company na tuluyan ng lalaya mula sa insurhensiya ang buong lalawigan ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Ruben Martines ang Station Commander ng 1st Isabela Mobile Force Company sinabi niya na ang Isabela Provincial Mobile Force Company ay mandatong labanan ang insurhensiya maliban pa sa pagtitiyak ng seguridad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng special law o local ordinances.
Sa ngayon ay may bago silang mandato sa ilalim ng Police Visibility Ronda Patrol ng PNP alinsunod sa kautusan ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil.
Bilang bahagi ng kanilang mandato ang pagtitiyak ng kaayusan at seguridad ay tiniyak ng 1st IPMFC na malaya na sa insurhensiya ang ilang bayan sa kanilang nasasakupan.
Umaasa sila na tuluyan nang maidedeklara bilang insurgency free ang buong lalawigan ng Isabela ngayong taon katuwang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Army at ng bawat Local Government Units.
Sa ngayon ay ipinatutupad nila ang Project Subli isang proyekto o programa para sa mga Former Rebels na nagbalik loob sa ilalim ng kanilang pamunuan.