CAUAYAN CITY – Planong magdagdag ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ng Fire Trucks para sa Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan.
Ito ay matapos matupok ng apoy ang nasa labinwalong stalls malapit sa Pribadong Pamilihan sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Jaycee Dy, sinabi niya na mayroon lamang dalawang fire trucks ang BFP Cauayan kaya plano nilang maglaan ng budget para madagdagan ang mga ito.
Pinabulaanan naman niya ang mga kumakalat sa Social Media na hindi umano kaagad rumesponde ang BFP at kakaunti lamang ang lamang tubig ng kanilang fire truck.
Aniya, nakipag-ugayan na umano siya sa BFP at limang minuto lang umano matapos sumiklab ang sunog ay nandoon na sila sa lugar para rumesponde.
Nanawagan naman siya sa publiko na huwag agad naniniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa Social Media.
Ayon sa Alkalde, bukas ang kaniyang tanggapan para sa mga naapektuhan ng sunog ngunit sa ngayon ay Financial Assistance na lang muna ang kaya nilang ibigay.
Makikipag-ugnayan din aniya siya sa may-ari ng mga stalls para sa rebuilding o relocation ng mga nasunog na establishimento.