--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan ang kumakalat na akusasyong hindi sila agad rumesponde sa nangyaring sunog kung saan tinupok ng apoy ang ilang stalls malapit sa pribadong pamilihan.

Kumalat sa social media na una pa umanong rumesponde ang mga fire trucks ng mga karatig bayan kaysa sa BFP Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Trinidad Arroyo, sinabi niya na 5:10AM nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concern citizen at 5:11AM naman nang makarating sa lugar ang mga rumesponde nilang kasapi.

Dahil sa lakas na ng apoy ay itinaas na nila sa 2nd alarm ang status ng sunog kung saan kinailangan nilang humingi ng tulong mula sa mga fire station ng mga karatig na bayan.

--Ads--

Wala rin umanong katotohanan na dalawang drum lang ang laman ng kanilang fire truck dahil 1000 liters ang laman ng truck at umaabot lamang ito sa apat hanggang limang minuto na pagbuga ng tubig.

Dagdag pa ni SFO2 Arroyo na hinintay nilang dumating ang fire truck ng Luna bago sila umalis upang magkarga ng tubig at hindi nagtagal ay nagsidatingan na rin aniya ang siyam na volunteers.

Hindi rin naman aniya reresponde ang siyam na volunteers kung hindi humingi ng tulong ang BFP Cauayan.

Kaugnay nito, 6:30AM nang ideklarang fireout ang sunog ngunit kinailangan pa nila itong bantayan ng apat na oras para matiyak hindi na muling magliyab ang apoy.

Sa ngayon ay patuloy ang kanilang imbestigasyon sa naging sanhi ng sunog.

Nakikiusap naman sila sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media na itigil na ang paninisi sa BFP Cauayan dahil ginawa naman nila ang kanilang makakaya.