--Ads--

CAUAYAN CITY- Dumagsa ang maraming mga deboto sa Our Lady of the Visitation Guibang Church bilang pakikiisa sa kapistahan ng National Shrine ng Our Lady of the Visitation sa Guibang Gamu, Isabela.

Mahigpit naman ang ginawang pagbabantay sa lugar ng mga kawani ng Philippine National Police, rescuers at iba pang mga force multiplier upang mapanatili ang kaayusan sa nasabing lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Lilet Lorenzo Team Leader, Gamu Police Station Security Deployment, sinabi niya na base sa kanilang monitoring ay naging matiwasay at maayos naman ang pagdiriwang ng kapistahan.

Maliban aniya sa kaayusan sa mismong simbahan ay maayos din umano ang daloy ng trapiko sa lugar kung ikukumpara sa mga nakaraang selebrasyon ng kapistahan ng Our Lady of the Visitation.

--Ads--

Aniya, marunong sumunod sa panuntunan ang mga debotong dumalo sa kapistahan dahilan kaya’t naging maayos ang daloy ng selebrasyon sa lugar.

Wala namang naitala na mga hindi kanais-nais na insidente pero pinaalalahanan niya pa din ang mga residente na mag-ingat upang hindi mabiktima ng mga kawatan.

Samantala, nakagawian na ng ilang mga deboto ang magtungo sa Our Lady of the Visitation Church upang makibahagi sa kapistahan ng National Shrine ng Our Lady of the Visitation.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Loreta Domingo, deboto sinabi niya na tuwing kapistahan ng Guibang ay magkakasama silang magpapamilya na nagtutungo kada taon.

Aniya, kinukuha na din nila ang pagkakataong ito para manalangin sa Poong Maykapal para humingi ng gabay hindi lamang para sa kanilang kalusugan kundi pati na din sa kanilang hanapbuhay.