CAUAYAN CITY- Tuloy tuloy ang lokal na pamahalaan ng Cauayan sa pag-imbestiga sa nangyaring sunog sa lungsod noong araw ng linggo, ika- 30 ng Hunyo kung saan labinwalong stalls ang tinupok ng apoy.
Sa darating na ika-4 ng Hulyo isasagawa ang pagpupulong na bukod sa imbestigasyon sa tunay na pinagmulan ng sunog ay nais din na malaman ang paliwanag ng Bureau of Fire Protection Cauayan kaugnay sa mga usap-usapang hindi nila agad pagresponde sa sunog.
Plano namang ipatawag ang BFP, PNP at mga nasunugan para sa imbestigasyon bago pag-uusapan ang mga susunod na hakbang tulad na lamang ng tulong na ibibigay sa mga apektado.
Bukod dito ay iimbestigahan din ang usap- usapan pa sa social media na dalawang drum lamang ang laman ng kanilang truck.
Nais ng mga konsehal na mabigyan ng linaw ang mga kumakalat na usapin lalo na at pumapangit umano ang imahe ng Cauayan City.
Mungkahi naman ni Sangguniang Panlungsod Member Bagnos Maximo Jr na ipatawag ang sino mang nagpakalat ng impormasyon kaugnay sa alegasyon laban sa BFP Cauayan.