CAUAYAN CITY – Target na mapatubigan ng NIA-MARIIS ang mga pinakamalalayong sakahan hanggang sa ikalabing lima ng Hulyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Dept. Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na sa ikalabing lima ng Hulyo ang target nilang araw para mapatubigan na ang lahat ng kanilang programmed areas pangunahin ang mga nasa dulo ng irigasyon.
Umaasa naman ang pamunuan na nakapag-ipon na sa kanilang pilapil ang ibang magsasaka dahil sa mga nagdaang pag-ulan.
Aniya mas mababa pa rin sa rule curve ang kasalukuyang water elevation ng Magat Dam na nasa 177.07 meters above sea level ngunit tiniyak niya na kakayanin nitong mapatubigan ang kanilang programmed areas.
Matatandaang unang nagbawas ang NIA-MARIIS ng kanilang programmed areas pangunahin sa Baligatan Diversion Dam sa pagsisimula ng cropping season dahil sa naranasang El Niño phenomenon.
Ayon kay Engr. Dimoloy bagamat may mga pag-ulan o thunderstorms na nararanasan sa watershed areas ay hindi pa maituturing na tag-ulan na dahil kalat-kalat lamang ang pag-ulan at halos kaunti lamang ang inflow epekto nito sa elebasyon ng dam.
Aniya sa ngayon ay nasa 0.22 centimeters pa rin ang ibinababa ng volume ng tubig sa dam na nakabukas ngayon para sa patubig ng mga magsasaka.
Ibig sabihin nito ay mas maliit pa rin ang inflow kaysa sa ginagamit na patubig.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magsasaka na huwag mag-agawan sa patubig dahil mayroon namang schedule ang bawat isa sa paggamit nito.