--Ads--

CAUAYAN CITY Pinagharap sa public hearing ng pamahalaang lungsod ang BFP Personnel at mga negosyanteng nasunugan upang mabigyang linaw ang imbestigasyon at mga akusasyon kaugnay sa nangyaring sunog.

Sa harap ng mga nasunugan at mga konsehal, nagbigay ng pahayag ng panig ang BFP kaugnay sa mga akusasyong hindi agad na pagresponde ng kanilang grupo.

Ayon kay SFO2 Trinidad Arroyo, isang minuto lamang simula ng makatanggap sila ng report ay naroon na rin sila sa lugar upang rumesponde.

Paliwanag pa ni SFO2 Arroyo, inakala nilang normal lang ang sunog dahil araw araw aniya na may mga nagsusunog ng basura sa lugar at nakumpirma lamang nila na mga stalls o pwesto na ang nasusunog nang makatanggap sila ng report.

--Ads--

Sa panig ng BFP, kaya pa sana umanong apulain ng mga residente ang apoy noong dalawang minuto pa lamang ang nakalilipas at sana ay hindi inuna ng mga residente ang pagvideo at pagpost sa social media sa halip na nagtulungan na lamang sila sa pag-apula kung hindi naman ay inireport nalang agad sa bfp.

Nilinaw pa ng BFP na ang laman ng kanilang fire truck ay 4,000 liters kung saan nagtatagal lang din ito ng apat na minuto na hindi alam ng mga residente kaya nila sinabi sa social media na dalawang drum lang ang laman ng kanilang fire truck.

Wala ring katotohanan na nauna pa ang mga bumbero ng ibang karatig bayan dahil base sa kanilang report 5:20 ng umaga nang makarating ang firetruck ng Alicia.

Sa kanilang imbestigasyon, tinitingnan aniya nilang dahilan ng sunog ay ang nakalaylay na wire.

Samantala sa panig ng mga nasunugan, wala naman umano silang intensyon na masamain ang BFP Cauayan kaugnay sa nangyaring sunog.

Nataranta lang din umano sila kaya nila naisisi sa BFP Cauayan.

Kaugnay nito, emosyonal namang humingi ng tawad si Princess De Leon na siyang nagpost sa social media at pinagmulan ng impormasyon na hindi agad rumesponde ang mga bumbero sa Cauayan at dalawang drum lang ang laman ng fire truck.

Aniya, wala siya sa lugar nang mangyari ang sunog at ang kanyang pinost ay batay lamang sa nakuha niyang impormasyon sa iba.

Samantala, dahil sa nangyaring sunog, plano namang bumili ng lokal na pamahalaan ng dalawang tanker na mas malaki kaysa sa firetruck ng BFP.

Kung hindi tanker ay fire hydrant ang plano nilang pagtuunan ng pansin ngayon bilang solusyon sa malalakas na sunog.