--Ads--

CAUAYAN CITY – Tatlong bata ang nasawi sa pagkalunod nitong Linggo, sa Chico River sa Junction, Pinukpuk, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruffy Manganip, Kalinga Police Information Officer, sinabi niya nagpasya ang tatlong biktima na pumunta sa ilog kasama dalawa pa nilang kaibigan nang hindi nagpapaalam sa kanilang magulang.

Ang mga biktima ay dalawang siyam na taong gulang at isang anim na taong gulang na pawang mga residente ng San Juan, Tabuk City at nasa Sitio Collog sa Junction, Pinukpuk para sa isang pre-wedding celebration.

Bandang alas-dose ng tanghali, nagtungo ang lima sa ilog para lumangoy na hindi alam ng kanilang mga magulang.

--Ads--

Habang naliligo, napansin ng labing anim na taong gulang na ang siyam na taong gulang nitong kaibigan ay nalulunod na sa malalim na bahagi ng ilog.

Sinubukan niya itong iligtas subalit hindi nito alam na sinundan siya ng dalawa pang bata upang tutulong din sana sa pagsagip sa kanilang kaibigan ngunit maging sila ay nalunod din.

Tumawag naman ng tulong ang isa pa nilang kasamahan hanggang sa dumating na ang kapulisan.

Nang matagpuan ay dinala sila sa Pinukpuk District Hospital ngunit idineklara nang dead on arrival ang tatlong biktima.

Pinayuhan naman ni PCapt. Manganip ang mga residente na maging maingat sa pagtungo sa mga ilog lalo na ngayong tag-ulan.

Pinaalalahanan din niya ang mga magulang na huwag hayaan ang mga anak na magtungo sa ilog na walang kasamang nakatatanda o mga marunong lumangoy upang makaiwas sa aksidente.