--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang lalaki matapos magtangkang magbiyahe ng mahigit dalawang milyong pisong halaga ng Marijuana sakay ng pampasaherong van sa Dangoy, Lubuagan, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruffy Manganip, Kalinga Police Information Officer, sinabi niya na nasabat ang lalaki sa police checkpoint at napansin ang bag na naglalaman ng marijuana bricks sa loob ng pampasaherong van.

Ang suspek ay isang dalawamput limang taong gulang na lalaki na residente ng Sitio Umboy, Barangay Cutcut, Guiguinto, Bulacan.

Pinara ng mga pulis ang van at nagsagawa ng inspeksyon at nakita ang laman ng hiking backpack na labing siyam marijuana bricks na nagkakahalaga ng P2.2 million pesos.

--Ads--

Itinuro naman ng tsuper ng van ang isa sa mga pasahero na may-ari ng hiking backpack na kalaunan ay inamin nitong sa kanya ang kinumpiskang bag.

Matapos ang imbentaryo ay agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang  suspek at mga nakumpiskang kontrabando para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.