CAUAYAN CITY- Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection o BFP San Mateo sa posibleng pinagmulan ng sunog sa isang bahay sa San Roque, San Mateo, Isabela.
Matatandaan na tinupok ng apoy ang dalawang palapag na bahay sa nabanggit na lugar kung saan tinatayang aabot sa isang milyong pisong halaga ng mga kagamitan ang napinsala.
Ayon kay Ginoong Elizalde Viernes, may-ari ng bahay na nasunog sandali lamang siyang lumabas dahil nagtungo siya sa kanilang pwesto para buksan ang ilaw sa tindahan nang may tumawag sa kanya na nasusunog na ang kanilang bahay.
Agad namang itinawag sa Bureau of Fire Protection o BFP San Mateo ang sunog na agad ding nakaresponde para apulahin ang apoy.
Hindi naman malaman ni Ginoong Viernes kung saan galing ang apoy dahil hindi naman siya nagluluto nang umalis siya ng bahay.
Natupok ng apoy ang unang palapag ng bahay habang wala namang gaanong naapektuhan sa ikalawang palapag.
Aniya wala siyang kasama sa bahay dahil ang kanyang asawa ay nasa Maynila habang ang kanilang mga anak ay nasa ibang bansa.