CAUAYAN CITY- Magsisimula na ngayong linggo sa pamamahagi ng Fertilizer Discount Voucher ang Department of Agriculture Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng Cauayan City, sinabi niya na ngayong linggo ang kick off ng distribution caravan ng fertilizer assistance sa mga magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.
Aniya, ito ang mga magsasaka na napamahagian ng hybrid rice seeds na kanila namang itinanim ngayong wet cropping season.
Ang nasabing voucher ay nagkakahalaga ng 3,400 pesos per hectare depende sa lawak ng nakarehistrong sakahan ng mga benepisyaryo.
Sa kabuuan ay aabot sa 4,228 ang benepisyaryo dito sa lungsod ng Cauayan kung saan nasa 5,779.79 hectares na sakahan.
Nilinaw naman niya na voucher lamang ang kanilang matatanggap at hindi mismong fertilizer o abono. Maari naman aniya ipapalit ang mga ito sa susunod na linggo sa siyam na accredited merchants ng agricultural supply sa lungsod ng Cauayan.