CAUAYAN CITY – Pinag-aaralan na ng pamahalaan ng Alicia Isabela ang dapat gawin upang maiwasan ang pagkakatala ng sunog sa kanilang pampublikong pamilihan kasunod ng nangyaring sunog sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Market Supervisor Renato Mariano, sinabi niya na mahalagang lagi silang nagsasagawa ng fire drill upang malaman ng mga vendor ang dapat nilang gawin kapag may sunog.
Isinasagawa nila ito bawat quarter ng taon na pinangungunahan ng Bureau of Fire Protection o BFP na ipinapasok sa loob ng pamilihan ang kanilang mga firetruck upang matiyak na may espasyo sa loob sa kanilang pagresponde.
Tinitiyak din nilang mayroong fire extinguisher ang lahat ng mga vendor sa loob ng pamilihan.
Nagsasagawa rin sila ng information drive upang turuan ang mga vendor sa tamang aksyon sa sunog na nasa stage 1 pa lamang.
Aniya kailangang makapagsagawa na ng pag-apula ng apoy bago pa dumating ang BFP.
Kasalukuyan na ang pagpapatayo sa new public market ng Alicia dahil masikip na sa lumang pamilihan.