CAUAYAN CITY – Binibigyang solusyon na ng pamahalaang Barangay ng Tagaran, Cauayan City ang pagdami ng kaso ng sakit na dengue sa kanilang nasasakupan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niya na ngayong linggo lamang ay umabot na sa walo ang kaso ng dengue sa Purok 7 at karamihan sa mga ito ay mga bata.
Nakakabahala aniya ito dahil sa mga nagdaang taon ay bihira lamang ang pagkakatala ng kaso ng dengue sa kanilang barangay.
Bilang aksyon ay nag-spray na sila sa mga kabahayan pangunahin na sa bahay ng mga batang tinamaan ng sakit.
Aniya nag-spray na lamang sila kaysa magsagawa ng defogging matapos na ipinayo ng City Health Office.
Sa ngayon ay wala pa namang kakayahan ang pamahalaang barangay na mag-spray sa lahat ng kabahayan dahil sa limitadong pondo.
Pinayuhan naman nila ang mga residente na kanya-kanya na lamang muna ang pag-spray at paglilinis sa mga bakuran upang mawala ang mga pinamumugaran ng lamok.