CAUAYAN CITY – Paiigtingin ng Public Order and Safety Division o POSD Cauayan City ang panghuhuli sa mga motoristang nagmamaneho kahit nakatsinelas at walang helmet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na sa ngayon ay dumarami na naman ang mga hindi sumusunod sa mga batas trapiko na minsan ay nasasangkot pa sa mga aksidente.
Karaniwan ay nakatsinelas, nakashorts at nakasando lamang ang mga namamataan nilang nagmamaneho ng motorsiklo kaya mas paiigtingin nila ang pagbabantay upang mapigilan ang mga motoristang hindi sumusunod sa tamang kasuotan sa pagbaybay sa mga lansangan.
May mga naaapprehend din silang mga tricycle driver na hindi nakapantalon ngunit iginiit ng mga ito na hindi sila namamasada.
Ayon kay POSD Chief Mallillin kapag bumaybay sa pambansang lansangan ay nararapat na magsuot ng sapatos pantalon upang maiwasan ang maraming gasgas kapag naaksidente.
Araw araw aniyang mayroon silang nahuhuli na karamihan ay mga hindi namamasada at service lamang ang kanilang tricycle.
Iginiit naman niya na pampasada man o hindi ang mga tricycle ay kanila nang huhuliin ang mga ito.