CAUAYAN CITY – Puntirya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Isabela na magpamahagi ng nasa 5.7 million fingerlings para sa mga fisherfolks sa Lalawigan ng Isabela ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerico Gibe, Provincial Fishery Officer ng BFAR Isabela, sinabi niya na ang annual regular dispersal sa Isabela ay 3.1 million habang aabot sa 5.7 million fingerlings ang nakatakda na nilang ipamahagi sa Lalawigan.
Sa katunayan ay natapos na nila ang dispersal ng mga fingerling habang sisilipin pa nila kung sino-sino ang mga munisipyo na mangangailangan para sa regular dispersal ng tilapia fingerlings.
Hindi naman aniya problema para sa pamamahagi nila ng fingerlings ang pagbaba ng antas ng tubig dahil sa El Nino subalit may ilang LGU ang tumanggi na tanggapin ang kanilang allocation.
Inaasahan nila na matatapos nila ang pamamahagi hanggang sa buwan ng Setiyembre lalo sa mga may fishpond.
Sa ngayon ay nag-iikot ang kanilang monitoring team sa mga palaisdaan sa Lalawigan para makapagbahagi ng mga nararapat na impormasyon kung sakaling makaapekto na sa Bansa ang pinangangambahang La Nina.
Sa ngayon ay may bahagyang pagtaas sa produksyon ng isda hindi lamang sa agriculture sector maging sa mga ilog.