--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy na sumisigaw ng hustisya ang Pamilya Martinez sa karumal dumal na pagpatay sa kanilang kaanak na si Fe Martinez sa Barangay District 2, Gamu, Isabela.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Teresita Martinez, hipag ng biktima sinabi niya na nagtaka siya na hindi maagang nagising ang kanyang hipag kaya naman sinubukan niya itong silipin sa kwarto.

Matapos ang ilang ulit na pagtawag ay hindi umano ito sumagot kaya naman nagpasya silang pasukin na lamang ito, dito ay tumambad ang wala ng buhay ng ginang sa ibaba ng kama nito na naliligo sa sariling dugo habang natakpan ng puting kumot.

Wala naman aniya siyang napansin na kakaiba sa nakalipas na araw bago ang insidente at wala rin silang alam na motibo para gawin ito sa biktima.

--Ads--

Nawawala din aniya ang ilang gamit tulad ng alahas at pera na nakatago sa loob ng kwarto ng biktima.

Sa ngayon ay hihintayin na lamang ng kanilang pamilya ang magigin resulta ng imbestigasyong ginagawa ng Gamu Police Station upang matukoy ang suspek sa karumaldumal na krimen.

Matatandaan na nasawi si Fe Martinez, 74-anyos, isang dating barangay kagawad matapos pagtatagain sa loob mismo ng kanyang kwarto na nagtamo ng sugat sa ulo at leeg.

Nagpaabot naman ng pakikiramay at kalungkutan si LMB President Alfredo Burkley Jr. kung saan isinalarawan niya si Martinez bilang mabait na miyembro ng pambarangay na konseho.