--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasabat ng mga otoridad ang tone-toneladang ore na iligal na minina sa Bagabag Nueva Vizcaya.

Naaresto naman ang labintatlong katao matapos na tangkaing ibyahe ang iligal na mina sa Solano Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station sinabi niya alas onse ng gabi nang mapag-alaman nila sa kanilang informant na may ibibiyaheng ore na iligal na namina sa kanilang bayan.

Agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation at nagsagawa ng checkpoint sa dadaanan ng mga suspek na nagbyahe ng “Luyod” na kapag naproseso ay nagiging ginto o gold.

--Ads--

Nasabat ng mga kapulisan ang isang trailer truck na naglalaman ng 513 bags ng ore at dalawang van na puno ng pasahero.

Siyam sa mga nadakip ay mga laborer, dalawa naman ang driver habang isa naman ang mining businessman kabilang ang isang estudyante na pawang mga nasa tamang gulang at mga residente ng Zambales, Baguio City at Nueva Vizcaya.

Aniya wala pa silang sinasabi ay tila nagpapahaging na ng lagay ang may-ari dahil walang maipakitang dokumento sa pagbyahe ng nasabing mineral.

Agad na inaresto ang labintatlong katao at saka dinala sa himpilan ng pulisya kasama ang truck na puno ng ore at ang dalawang van na sinakyan ng mga ito.

Ayon sa mga suspek at may ari, galing sa Quezon, Nueva Vizcaya ang ore at dadalhin sana sa Tarlac at doon ipoproseso nang masabat sila ng pulisya.

Mahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 7942 o Philippine Mining Act.