CAUAYAN CITY- Iaapela ni ACT Teachers Rep. France Castro ang desisyon ng Tagum City Regional Trial Court na hatulan siyang guilty at iba pa sa kasong child abuse.
Base sa desisyon ng korte, posibleng maharap si Castro sa apat hanggang anim na taong pagkakakulong.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rep. France Castro, sinabi niya na plano nilang iapela ang guilty verdict na inilabas ng Tagum City Regional Trial Court sa kasong child abuse.
Giit ng mambabatas na wala silang ginawang pang-aabuso at ni-rescue lamang nila ang ilang menor de edad mula sa sinasabing pangha-harass umano ng para-military troops sa kanilang paaralan noong 2018.
Aniya walang basehan ang verdict dahil malinaw sa kanilang mga iprinisintang testimonya sa korte.
Napakalungkot aniya ito na ang ginawa lamang naman nila ay tulungan ang mga naaabusong menor de edad habang ang mga para-military na nanggulo sa paaralan ay wala nang kasalanan sa batas.
Hindi umano katanggap-tanggap ang naging desisyon ng korte at sa tingin nila ay pakana ito ng NTF ELCAC at isang malaking indibidwal na nang-iimpluwensya upang sila ay baliktarin.
Tiniyak naman ng mambabatas na ipagpapatuloy ng ACT Teachers Partylist ang pagtulong sa mga inaabusong mamamayan at mga mag-aaral.
Muli niya niyang iginiit na malinis ang kanyang konsensya at wala siyang inabusong mga bata sa kanyang pagiging isang guro at magulang.