CAUAYAN CITY – Umaasa ang hanay ng transportasyon sa bansa na mapag-uusapan sa nalalapit na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Public Utility Vehicle Modernization Program.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi malinaw ang programa kaya’t kinakailangan aniyang maglatag ni Pangulong Marcos ng konkretong hakbang kaugnay sa usapin ng modernisasyon.
Hiling nila na maging tiyak ang tulong ng pamahalaan sa mga operators kung sakali man na magakroon ng aberya sa kanilang pagsali sa mga kooperatiba para sa modernization program.
Nasa 80% na umano ang nakasali sa modernization ngunit hanggang ngayon ay bumibiyahe pa din ang mga traditional jeepney dahil masyado pang hilaw ang programa at hindi pa handa ang pamahalaan para rito.
Dapat din aniyang mabigyang linaw din ang paggamit sa mga electric vehicle at motorcycle taxis upang malaman ng mga nasa hanay ng transportasyon ang kanilang magiging susunod na hakbang.
Aniya, sa mga naging SONA ng mga nakalipas na Pangulo ng bansa ay wala silang nailatag na malinaw na programa para sa mga nasa sektor ng transportasyon.
Suportado naman niya ang mga nakahanay na kilos protesta ng iba pang transport group subalit hiling nito na hindi maging magulo at gagawin nila ito sa maayos na paraan.