CAUAYAN CITY- Nakatakdang matapos sa susunod na buwan ang pagkakabit ng mga bago at karagdagang streetlights sa Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Ceasar Jaycee Dy Jr. sinabi niya na ngayong buwan ay nasimulan na ang pagkakabit ng mga poste ng ilaw sa mga gilid ng kalsada na siyang pagkakabitan ng mga streetlights.
Wala kasi aniyang poste sa ilang mga kalsada gaya na lamang sa Brgy. Minante Dos kayat ito aniya ang kanilang prina-prioritize sa ngayon.
Umabot naman sa 20 million ang pondo na inilaan ng pamahalaang panlungsod para sa karagdagang mga streetlights.
Humingi naman siya ng paumanhin kung hanggang ngayon ay hindi pa naaayos ang problema tungkol dito dahil marami pa umano itong proseso na kailangang pagdaanan kagaya na lamang ng bidding na tumatagal ng 45 days.
Kararating lang din aniya ng mga poste at iba pang materyales noong nakaraan linggo kaya kamakailan lang din nila naumpisahan ang pagkakabit ng mga bago at karagdagang street lights sa lungsod.