CAUAYAN CITY – Nagdudulot pa rin ng masikip at mabagal na daloy ng trapiko ang pagtagilid ng isang trailer truck sa pambansang lansangang nasasakupan ng Brgy. Nagsabaran, Nueva Vizcaya maging ang mga daang kasalukuyan ang konstruksyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Manuel Medina Jr. Deputy Chief of Police ng Diadi Police Station sinabi niya na sangkot sa aksidente ang isang trailer truck na minaneho ni Mario Lutrania Supnet, apatnaput limang taong gulang, may asawa, tsuper at residente ng Baluarte Santiago City.
Habang nadamay naman ang isa pang trailer truck na minaneho naman ni Marjoe Maasin Mediane, tatlumput isang taong gulang, binata, tsuper at residente ng Silang Cavite.
Batay sa pagsisiyasat ng mga otoridad magkasunod na binabagtas ng dalawang trailer truck ang lansangan patungo sa hilagang direksyon nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, partikular sa pataas na bahagi ng kalsada ay bigla umanong tumirik ang trailer na minamaneho ni Supnet.
Sinubukan pang hilain ng tsuper ang maxi brake ng truck subalit nagtuloy tuloy ito sa pag-atras dahilan upang nabangga nito ang sumusunod na trailer truck.
Batay sa mga otoridad naglalaman ng 1,300 bags ng semento ang tumirik na trailer truck.
Nagresulta naman ang insidente para magtamo ng sugat ang lulan ng tsuper at ahente ng nadamay na truck.
Ayon kay PCapt. Medina minor injuries lamang naman ang tinamo ng mga ito at agad ding nakalabas ng ospitalmatapos malapatan ng lunas.
Agad naman aniyang natawagan ang may-ari ng tumagilid na trailer truck na nagpadala ng isa pang truck na paglilipatan sa mga laman ng truck.
Nagdulot naman ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar dahil naharangan ng truck ang daan at one way lamang ang passable.
Hanggang kaninang madaling araw ay marami pa ring motorista ang nakakaranas ng masikip at mabagal na daloy ng trapiko sa Diadi Nueva Vizcaya.
Batay sa update ng PDRRMO Nueva Vizcaya bandang alas tres kaninang madaling araw ay nararanasan pa rin ang mabigat na daloy ng trapiko sa bayan ng Diadi dahil sa dinulot ng dalawang magkaibang insidente ng Vehicular accident sa Sitio Oriwong Nagsabaran at Brgy. San Luis.
Dagdag pa dito ang kasalukuyang ginagawang daan sa bayan ng Diadi.
Aabot ng limang kilometro ang haba ng trapiko mula Brgy Poblacion north bound hanggang Brgy Villaros south bound.
Humingi naman ng mahabang pasensya si PCapt. Medina sa mga motorista dahil kapag nagkakaroon ng aksidente sa kanilang bayan lalo na kapag mga truck ang sangkot ay pahirapan ang pagtanggal dahil mabibigat ang laman.
Paliku-liko at paakyat kasi aniya ang mga daan sa Diadi kaya pahirapan kapag nagkaroon ng aksidente.