CAUAYAN CITY – Naganap ang isang sunog sa loob ng pribadong pamilihan ng Cauayan Ciy kagabi pangunahin na sa bahagi ng ukayan o bilihan ng mga ukay-ukay.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 2 Trinidad Arroyo ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan City sinabi niya na bandang alas siete ng gabi nang makatanggap sila ng tawag kaugnay sa sunog na naganap sa tindahan ng mga ukay-ukay.
Pagdating naman nila sa lugar ay naapula na ang sunog dahil agad na rumesponde ang nakaduty na janitor ng Primark gamit ang fire extinguisher.
Upang matiyak na hindi na muling kumalat ang apoy ay binugahan pa rin ng tubig ang mga damit na nadamay sa sunog sa dalawang stall.
Open area aniya ito ng mga stall na inuupahan para sa mga ukay-ukay items at sarado na ang mga ito nang mangyari ang sunog.
Mabuti na lamang aniya at compliant naman ang nasabing mga stall sa fire safety measures.
Patuloy namang inaalam ng BFP ang naging rason ng sunog at nakikipag-ugnayan na rin sila sa pamunuan ng Primark para sa mga kailangan nilang kumpirmahing impormasyon.
Aniya malabong sa kuryente galing ang sunog dahil mula sa ilalim ng stall galing o nagsimula ang sunog habang ang mga gamit na de kuryente ay nasa bandang itaas katulad ng ceiling fan at ilaw na nakapatay na nang mangyari ang sunog dahil buong bahagi ng stall ay may iisang switch.
Nakatakda namang kunin ng BFP ang kuha ng CCTV camera sa lugar upang matukoy ang pinagmulan ng sunog dahil batay sa mga testimonya ng ilang tao sa lugar, may posibilidad ng Arson dahil magkalayo ang dalawang stall na nasunog.
Dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ay kinordonan muna ang lugar at hindi muna magbubukas ngayong araw upang malaman ang tunay na pinagmulan ng sunog.