CAUAYAN CITY – Nasa siyamnapu hanggang isandaang personnel ng 5th Infantry Division Philippine Army ang ipinadala bilang bahagi ng contingent ng Philippine Army sa Australia para makibahagi sa Carabaroo 2024 isang Joint Military Exercise kasama ang Allied Countries ng Australia.
Ang Carabaroo 2024 ay layuning mapalakas pa ang pakapilidad ng bawat sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Maliban sa usapin ng insurhensiya o mga operasyon laban sa insurhensiya ay abala ngayon ang pamunuan 5th Infanrty Division Philippine Army sa kanilang Humanitarian Mission sa iba’t ibang lugar sa kanilang Area of Responsibility.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Rigor Pamittan ang Division Public Affairs Office Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na tuluy-tuloy ang paghahatid nila ng serbisyo sa mga liblib na lugar sa kanilang nasasakupan.
Sa katunayan ay napailawan na nila ang tatlong liblib na sitio sa Rizal Cagayan na bahagi ng Zinundungan Valley na dating naging kuta ng New Peoples Army kung saan umabot sa apat na milyong piso ang inilaang pondo.
Sa ngayon ay may ilang bahagi o sitio na rin sa Rizal Cagayan ang sementado na at ito ang nagsisilbing channel o nagdudugtong sa iba pang bahagi ng mga liblib na lugar doon.
Bilang paghahanda naman sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa July 29, 2024 ay namahagi sila ng school supplies katuwang ang kanilang stakeholders at ilang Government Organization sa bahagi ng Nueva Vizcaya.
Samantala, gaganapin naman sa Isabela State University Cauayan Campus ang AFP Service Aptitude Test ngayong araw hanggang July 25, 2024 habang gaganapin naman ang AFPSAT sa Cagayan State University Carig Campus sa July 27 at 30,2024.
Hinihikayat niya ang lahat ng mga nagnanais na maging sundalo o mapabilang sa magigiting na sundalo ng Philippine Army na kumuha ng pagsusulit.