Nakibahagi ang ilang mga magulang at volunteers sa Kickoff ng Bridagada Eskwela 2024 sa kabila ng maulang panahon na nararanasan ngayon sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chita Penuliar, Officer in Charge ng Cauayan North Central School, sinabi niya na siya ay nalulugod dahil sa kabila ng pag-ambon at pag-ulan na nararanasan ay mayroon pa ding mga magulang ang nais makibahagi paglilinis at pagsasaayos sa mga paaralan.
Aminado naman siya na kung ikukumpara sa mga nagdaang brigada eskwela ay mas kakaunti ngayon ang nagpunta pero umaasa siya sa mas dadami ang bilang ng mga ito sa mga susunod na araw lalo na kapag gumanda na ang lagay ng panahon.
Dahil sa bahagyang pag-ambon ay inuna muna nila ang loob ng silid na aralang linisan. Hindi naman alintana ng ilang mga magulang ang mga pag-ambon dahil mas pinipili ng ilan na maglinis sa labas.
Sa ngayon aniya ay kaunting paglilinis na lang umano ang kailangan at wala namang mga pasilidad sa paaralan ang kinakailangan ng major repair.
Hinikayat naman niya ang mga magulang, alumni at volunteers na makiisa sa brigada eskwela para sa ikakaganda ng paaralan na makabubuti para sa mga mag-aaral.