CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng DEPED Isabela ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga inaasahang pagbabago at inobasyon sa sektor ng edukasyon.
Sa kanyang ikatlong SONA, binigyang-diin ni Pangulong Bongbong Marcos ang ambag ng mga guro sa pagtataguyod ng dekalidad na edukasyon sa ating bansa.
Ibinida niya rin ang mga iba’t ibang tagumpay sa Kongreso patungkol sa mga benepisyong matatanggap ng mga guro gaya ng “Kabalikat sa Pagtuturo Act” kung saan bibigyan ang mga public school teachers ng taunang teaching allowance.
Kabilang din aniya ang Personal Accident Insurance mula sa GSIS at Special Hardship Allowance upang bigyang suporta ang mga gurong may kinakaharap na mga karagdagang hamon sa kanilang pang-araw-araw na trabaho.
Dagdag pa rito, binanggit din ni Pangulong Marcos ang pagtanggal sa ‘Utang-Tagging’ at sinigurado na hindi magiging hadlang ang mga utang sa pagre-renew ng kanilang lisensya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rachel Llana, Superintendent ng Schools Division Office o SDO Isabela, sinabi niya na napakagandang balita para sa kagawaraan ng edukasyon ang sinabi ni pangulong Marcos sa kanyang SONA.
Isa sa pinakamahalagang balita sa mga guro ang binanggit ng pangulo na special hardship allowance for teachers dahil marami sa mga guro ang kinukulang sa pangangailangan sa pagtuturo lalo na ang mga nagtuturo sa liblib na lugar.
Umaasa sila na kapag naitaas ang kanilang sweldo ay hindi na nila kailangan pang mangutang o mag-loan upang mapunan ang pangangailangan ng bawat guro.
Ikinatuwa rin nila ang pagbanggit ng pangulo sa pagdagdag ng mga posisyon sa edukasyon bagamat nakatakda pa lamang na ipatupad ang refinement sa career progression ng mga guro para malaman kung ano talaga ang kanilang dapat na promotional status batay sa kanilang career na tinatahak.