CAUAYAN CITY – Nakahigh alert na ang Philippine Coast Guard Northeastern Luzon sa posibleng epekto ng bagyong Carina.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coastguard Ensign Jessa Pauline Villegas, Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niya na naabisuhan na ang mga coast guard stations at substations na maghanda para sa maaring pag-activate ng mga deployable response groups at search and rescure boats.
Nadagdagan pa kasi ang mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 na kinabibilangan ng Batanes, Babuyan Isalnds, northern at eastern portions ng mainland Cagayan pangunahin ang Santa Ana, Gattaran, Baggao, PeƱablanca, Lal-Lo, Gonzaga, Buguey, Santa Teresita, Aparri, Camalaniugan, Ballesteros, Allacapan, Abulug, Pamplona, Claveria, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Lasam, Alcala, eastern portion ng Isabela pangunahin sa Divilacan, Palanan, Maconacon, Dinapigue, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Cabagan, San Pablo, Santa Maria.
Signal no. 1 din sa northern portion ng Apayao, northern portion ng Ilocos Norte, northern portion ng Aurora pangunahin ang Dilasag, Casiguran, Polillo Islands, Calaguas Islands at northern portion ng Catanduanes.
Pinaalalalahanan na rin nila ang mga lokal na mangingisda at mga residente na nakatira sa coastal at flood prone areas na maghanda sa posibleng paglikas kapag tumaas ang lebel ng tubig.
Base sa kanilang monitoring ay nakabalik na ang mga mangingisdang pumalaot bago ang pagpapatupad ng No Sail Policy sa mga karagatang sakop ng Isabela, Cagayan at Batanes.
Sa ngayon ay wala naman silang naitalang stranded na pasahero sa Region 2 bagamat patuloy ang kanilang monitoring sa mga pantalan.
Pinayuhan naman niya ang publiko na manatiling mapagmatyag dahil maaaring magdulot ng pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog, pagbaha at pag guho ng lupa sa ilang lugar ang mga pag-ulang dala ng Bagyong Carina.