CAUAYAN CITY- Malaking puntos para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang tuluyan nitong pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operation o POGO.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela 1st Dist. Representative at Deputy House Speaker Cong. Antonio “Tonypet” Albano sinabi niya na ikinatuwa ng mga kongresista sa pag-ban ng Pangulo sa POGO dahil sa panlalapastangan na ginagawa ng mga ito sa Pilipinas.
Isa itong magandang hakbang dahil halos puro iligal na ang ginagawa ng mga ito na nagpapataas sa crime rate ng bansa.
Ayon pa kay Deputy House Speaker Albano na Mayorya sa mga Kongresita ang natuwa at pumabor sa kabuuan ng ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nasa siyamnapu’t siyam na bahagdan sa mga mambabatas maging ang mga oposisyon ang nasiyahan dahil nabanggit umano nito sa kaniyang SONA ang lahat ng nais marinig ng taumbayan.
Maging si Minority Floor Leader Marcelino Libanan na isang oposisyon na kadalasang nagsasagawa ng “Kontra-SONA” ay nagpahayag umano na tila “Kampi-SONA” ang kanyang gagawin dahil lahat ng kanilang batikos at hinaing sa administrasyon ay pinakinggan ng Pangulo. .
Samantala, nagalak naman siya nang mabanggit ng Pangulo ang paglalagay ng mas maraming Solar Irrigation System sa Lalawigan ng Isabela at Rehiyong Dos na makatutulong upang mas mapataas ang produksyon ng palay at iba pang agricultural products sa Rehiyon.
Napakahalaga din aniya na nabanggit ng Pangulo ang usapin sa West Philippine Sea at ang mga programa nito para sa mga mahihirap pangunahin na ang benepisyong hatid ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Dahil dito ay binigyan niya ng Gradong 100 ang Pangulo sa kaniyang ikatlong Ulat sa Bayan.