--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanatiling sarado ang Nueva Vizcaya-Pangasinan Road dahil sa mga nangyaring landslide ayon sa PDRRMC Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting PDRRMC Officer King Webster Balaw-ing ng lalawigan ng Nueva Vizcaya sinabi niya na mahihinang pag-ulan na lamang ang nararanasan sa lalawigan kaya bumaba na rin ang lebel ng tubig sa mga ilog.

Lahat ng overflow bridges sa lalawigan ay pwede nang madaanan habang passable na rin ang national highway mula Diadi hanggang Santa Fe pangunahin sa Dalton Pass.

Minabuti naman ng PDRRMC na isara muna kagabi ang Maliko o ang Nueva Vizcaya-Pangasinan Road dahil sa mga naganap na landslide bagamat nalinis na ang mga ito .

--Ads--

Aniya ito ay bilang precautionary measure sapagkat mapanganib pa rin ang pagdaan sa lugar dahil maaring magkaroon muli ng roadslip o landslide.

Iminungkahi naman nilang dumaan muna ang mga motorista sa Balete Pass o sa Dalton Pass.

Passable naman ang Nueva Vizcaya-Benguet Road bagamat nagkaroon ng one way traffic sa bahagi na ng Benguet na agad ding nalinis ng mga otoridad.

Samantala nagkaroon din ng landslide sa provincial road na bahagi ng Kayapa at sa ngayon ay one lane passable na ito.

Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na dadaan sa mga nasabing kalsada na ugaliing mag-ingat at laging suriin ang sitwasyon bago tumuloy dahil sa maaring mangyaring aksidente.