CAUAYAN CITY – Posibleng balik operasyon na ngayong araw ang mga kinanselang biyahe ng mga eroplano patungong Maynila sa Cauayan City Airport dahil sa epekto ng Bagyong Carina.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Eduard Caballero, hepe ng Cauayan City Airport Police Station sinabi niya na kanselado ang byahe ng Cebu Pacific sa paliparan dahil sa baha sa Metro Manila.
Maaga naman aniyang naabisuhan ang mga apektadong pasahero kung saan nagbigay na sila ng refund at rebooking.
Batay sa datos, aabot sa 180 na inbound passengers at 180 rin na outbound passengers ang apektado sa kanselasyon ng byahe.
Inaasahang ngayong araw ay muling magbabalik operasyon ang Cebu Pacific dahil palayo na rin ang bagyong Carina.
Patuloy naman ang operasyon ng mga maliliit na eroplano na byaheng coastal town ng Isabela.
Dahil sa sama ng panahon ay activated ang kanilang reserved standby support force para sa kahandaan ng paliparan.
Nagkaroon aniya sila ng accounting at inspeksyon ng mga gamit sa maaring pagrescue at iba pang emergency sa loob ng paliparan.
Pinaalalahanan naman niya ang mga naapektuhang pasahero na laging tingnan ang abiso ng kanilang airline lalo na sa Cebu Pacific upang malaman ang balik operasyon nito at upang sila ay agad na makabyahe patungo sa kanilang destinasyon.