CAUAYAN CITY – Inihayag ng Social Security System o SSS na may regular salary loan na pwedeng I-avail ng mga myembro na apektado ng kalamidad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Porfirio Balatico, Vice President ng SSS Luzon 2 Division Cauayan Branch sinabi niya na maliban sa SSS benefits ay may regular salary loan na pwedeng I-avail ng mga myembro kapag sila ay kwalipikado.
Ang kwalipikasyon lamang sa loan na ito ay kailangang residente ang myembro na nais mag-avail sa mga under state of calamity areas.
Nararapat lamang na may 36 monthly contributions ang mga apektadong myembro para sila ay kwalipikado sa loan.
Anim na buwan dito ay kailangang nabayaran sa nakalipas na labindalawang buwan bago ang filing ng application.
Kailangan din na ang mga applicant ay walang final benefit claim tulad ng permanent total disability o retirement claim.
Ang pag-avail naman sa loan ay pwede nang online at kapag naaprubahan ay mailalagay ito sa registered Unified Multi-Purpose Identification (UMID)-ATM Card ng myembro.
Aniya ang mga Interesadong myembro ay maaring mag-apply ng calamity loan gamit ang kanilang My.SSS account sa www.sss.gov.ph website.
Ang pagbabayad naman sa loan ay aabot sa dalawang taon o 24 equal monthly installments at may annual interest rate na 10 percent.