CAUAYAN CITY – Kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong araw ikadalawampu’t siyam ng Hulyo ay nagpaalala ang Cauayan City Nutrition Office sa mga magulang na pabaunan ng mga healthy snacks ang mga anak para matiyak ang magandang kalusugan sa pagbabalik Eskwela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Nutrition Officer Mary Jane Yadao sinabi niya na mahalaga ngayong pagbubukas ng klase na mabigyan ng tamang kaalaman ang mga magulang kaugnay sa tama o masustansyang baon para sa kanilang mga anak na papasok sa eskwelahan.
Aniya, sa halip na magpabaon ng pera ay pabaunan na lamang ng mga home made snacks ang mga bata.
Isang halimbawa dito ang pagpapabaon ng bento boxes na may kargang mga prutas , gula, sandwiches at iba pa.
Upang mahikayat ang mga bata o anak na nasa Elementarya na kumain ng mga home made na baon, gulay at prutas ay dapat iwasan ng mga magulang na padalhan o pabaunan sila ng pera para maiwasan na bumili pa sila sa labas.
Maliban dito ay dapat ding magbigay ng effort ang mga nanay para maging creative lalo na sa mga batang maliliit pa lamang para ganahan at magkaroon sila ng interes na kainin ang kanilang baon.
Maaari ring gumawa ng iba pang paraan ang mga magulang para makapag infuse ng gulay sa daily food intake ng kanilang mga anak na pumapasok na sa paaralan gaya ng paggamit ng malungay powder, Banana Q, Kamote Q, Maruya at natural juices gaya ng pinya.
Marami na ngayon ang mga idea na maaaring makuha sa social media gaya ng youtube para sa iba’t ibang paraan sa paghahanda ng mga masustansyang baon para sa anak.
Ngayong pasukan ay muling ipinaalala ng City Nutrition Office ang kautusan ng Kagawaran ng Edukasyon na nagbabawal sa pagbebenta ng mga sugary drinks at junk foods sa loob ng paaralan gaya ng school canteens.
Sa ganitong paraan ay makakasiguro ang mga magulang na ligtas at may tamang nutrisyon ang kakaining meryenda o tanghalian ng kanilang anak.
Maliban sa masustansyang baon ay importante ring mapabaunan ng tubig ang anak at maturuan ng tamang pamamaraan bago kumain tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsisipilyo pagkatapos.