--Ads--

CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga otoridad ang dalawang indibidwal na nag-iingat ng baril sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO sinabi niya na unang naaresto ang isang lalaki matapos magpaputok ng baril at itinutok pa sa kaibigan nito sa Barangay Quirino, Solano, Nueva Vizcaya.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa habang sila ay kumakain sa isang “paresan” sa Barangay Quirino.

Hinamon umano ng biktima ang suspek hanggang sa nauwi sa suntukan.

--Ads--

Makalipas ang ilang sandali, umalis sa lugar ang suspek sakay ng isang SUV at pagbalik nito sa lugar ay may dala nang baril.

Tinawag umano ng suspek ang biktima, at dalawang beses na tinutukan ng baril sa ulo saka nagpaputok paitaas.

Nagbanta pa ang suspek na papatayin nito ang biktima.

Narekober naman mula sa suspek ang isang fired cartridge case at isang bala ng caliber 45.

Samantala inaresto rin ang isang lalaki sa Almaguer South, Bambang Nueva Vizcaya matapos na masabat ng mga nagpapatrolyang pulis na may dala-dalang baril.

Nang beripikahin kung may mga kaukulang dokumento ang dala nitong baril ay wala itong maipakita kaya agad siyang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Mahaharap naman ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions, at Grave Threats.