CAUAYAN CITY – Pinagtibay ng Sangguniang Kabataan sa Barangay Sillawit, Cauayan City ang programang “Bote mo, Print ko” ngayong balik eskwela nanaman ang mga estudyante.
Ayon kay SK chairman Kenneth John Bareng,mas prayoridad nila ang edukasyon ng mga kabataan kaysa sa sports kaya ngayong balik eskwela na ay masugid nilang ipinapaalam sa lahat na libre ang print sa kanilang tanggapan kapalit ng mga plastic bottle.
Aniya, naglalayon ito na makatulong sa mga mag-aaral at makatulong sa kalikasan.
Ang print sa bawat Black & white ay katumbas ng isang maliit na plastic bottle, ang colored ay katumbas ng tatlong plastic bottle, at tatlong papel na black and white o isang papel na colored naman ang katumbas ng isang 1.5 plastic bottle.
Dagdag pa niya, ramdam nila ang hirap ng buhay ng isang estudyante lalo pa kung sila ay kapos sa pera.
Malaking tulong ang ganitong programa para sa mga estudyanteng gumagawa ng kanilang thesis.
Naniniwala ang kanilang tanggapan na maraming pinagkakagastusan ang mga estudyante kaya sa simpleng programa na ito ay parehong makikinabang ang estudyante at barangay.
Ang malilikom na plastic bottle ay kanila rin umanong ibebenta upang mapakinabangan at ang bayad nito ay idadagdag sa kanilang pondo para sa iba pa nilang aktibidad sa barangay.