CAUAYAN CITY- Pinarangalan at binigyan ng pabuya ang dalawang mangingisda na nakapulot ng milyun-milyong halaga ng shabu sa dalampasigan ng Barangay Masisit, Sanchez Mira, Cagayan.
Ito ay matapos nilang ipasakamay sa pulisya ang 1.82 kilograms ng shabu na nakabalot sa plastic na may chinese character at nagkakahalaga ng milyong piso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. George Jacob, Hepe ng Sanchez Mira Police Station, sinabi niya na mismong ang Alkalde ng Sanchez Mira ang nag-abot ng pabuyang cash assistance sa dalawang mangingisda dahil sa kanilang pagmamagandang loob.
Nang dahil dito ay pa-iigtingin nila ang koordinasyon ng mga kapulisan at barangay officials sa mga mamayan ng naturang bayan para mabantayan nila ng maigi ang mga nangyayari sa bawat barangay.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Regional Forensic Unit 2 ang mga shabu para sa disposal.
Ayon kay PMaj Jacob, malaki ang posibilidad na ang naturang shabu ay kasama ng mga narekober kamakailan sa baybayin ng Ilocos Norte at Batanes dahil magkapareho umano ang balot nito maging ang chinese markings na naka-imprinta dito.