--Ads--

CAUAYAN CITY- Ikinatuwa ng mga nasa hanay ng transportasyon ang pag-apruba ng Senado sa pag-amyenda sa “Doble-Plaka” Law.

Lusot na kasi sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2555 na mag-aamyenda sa “Doble Plaka” Law o ang Motorcycle Crime Prevention Act.  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Chaiman at Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na hindi angkop para sa mga motorsiklo ang dalawang plaka dahil labis itong delikado para sa mga motorista.

Dagdag gastos din aniya ito para sa mga nasa hanay ng transportasyon kaya ginawa umano nila ang kanilang makakaya para hindi maipatupad ang doble-plaka law.

--Ads--

Kung maisabatas man ang Senate Bill No. 2555 ay tatanggalin na ang “doble plaka” requirement sa halip ay gagamit na lamang ng Radio Frequency Identification (RFID) para matukoy ang pagkakakilanlan ng sasakyan.

Hindi naman kumpiyansa si Lim na maipapatupad ng pamahalaan ang paggamit ng RFID dahil matagal na itong pinaplano ng pamahalaan ngunit hanggang ngayon ay hindi naipapatupad.

Giit nito na dapat paigtingin na lamang ang Police Visibility para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente sa kalsada.

Gayunman ay nanawagan pa din siya sa pamahalaan na madaliin ang pagsasabatas sa nasabing senate bill para sa agarang pagpapatupad nito.