--Ads--

CAUAYAN CITY – Posibleng isagawa na sa susunod na linggo ang pagbabakuna sa mga baboy kontra ASF sa Region 2.

Ito ay matapos ianunsyo ng Department of Agriculture at Food and Drug Administration o FDA ang product certification para sa AVAC ASF Live Vaccine mula sa Vietnam para sa controlled vaccination sa mga baboy sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Galang African Swine Fever Focal Person ng Department of Agriculture o DA Region 2 sinabi niya na nasa P350 milyon ang inilaang pondo ng kagawaran para sa pagbili ng mga bakuna kontra ASF.

Target din ng DA na makabili ng 600,000 doses bagamat nasa 150,000 doses lamang ang stock na available.

--Ads--

Aniya pangungunahan ng Bureau of Animal Industry o BAI ang pagbabakuna at magiging boluntaryo lamang ito sa mga grower pig farms mula backyard, semi-commercial hanggang sa commercial level.

Unang phase pa lamang naman ito kaya controlled vaccination muna dahil kailangan munang mamonitor kung gaano kaepektibo ang bakuna bagamat sinasabi sa pag-aaral na nasa 80% ang efficacy rate ng ASF Vaccine.

Sakaling mai-roll out na sa rehiyon ay uunahin ng DA ang mga nasa red zones na natukoy ng pamahalaan.

Tiniyak naman ni Dr. Galang na subsidized ng pamahalaan ang nasabing bakuna kaya libre itong maituturok sa mga alagang baboy.

Hindi pa naman aniya inilalabas ng BAI ang guidelines sa pagtuturok nito, kung para sa mga inahin o sa mga biik.

Mula nitong ikadalawamput-anim ng Hulyo ay nasa 150 barangay sa apatnaput limang bayan sa labing isang rehiyon ang may aktibong kaso ng ASF ayon sa BAI.