CAUAYAN CITY – Inihayag ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na hindi nasusunod ang mga plano sa pagpapatayo ng public cemetery.
Sa naging pagpapahayag ni SP Member Bagnos Maximo Jr. sinabi niya na matagal nang napag-uusapan ang mga plano sa pagpapatayo ng public crematorium, columbarium at burulan ng bayan o public cemetery.
Sa nakaraang walong taon aniyang pinagplanuhan ang nasabing mga programa ay hindi natutukang paglaanan ng pondo at gawan ng disenyo ng administrasyon.
Aniya dapat sana ay nagpatuloy ito at nagkaroon ng development dahil sa tagal ng panahong pinagplanuhan at hindi nararapat matetengga lamang bilang plano dahil sa epekto nito sa mga mamamayan.
Isang hindi magandang imahe ang sira sirang pampublikong sementeryo ng Cauayan City dahil nakikita na ito sa social media at nagkaroon ng pagpuna na hindi maayos ng lokal na pamahalaan.
Ang columbarium na kasalukuyan pa lamang ang konstruksyon at hindi pa nagagamit ay sira-sira na ang pasilidad.
Iginiit niya na kailangan ng aksyon mula sa mga pangunahing ahensya ang nasabing usapin dahil imahe ng lungsod ang nakataya rito.
May pondo naman umano ang City Planning Office pero sa ibang programa nagagamit tulad sa mga kalapit na kalsada at iba pa.
Iminungkahi ni SP Member Maximo na paglaanan na ito ng pondo ng lokal na pamahalaan at kung maari ay kumuha na ng pondo sa ibang programa upang maayos na ang sementeryo ng Cauayan City.