--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinihinalang ginahasa saka pinatay ang isang babaeng Security Guard na unang naiulat na nawawala at natagpuan na wala ng buhay sa isang sementeryo sa Centro San Antonio, City of Ilagan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Lord Wilson Adorio ang hepe ng City of Ilagan Police Station sinabi niya na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang tatay ng biktima para iulat ang pagkawala ng biktima na 40- taong gulang na isang security guard.

Dahil dito ay nagsagawa ng imbestigasyon ang PNP sa lugar kung saan huling nagpunta ang biktima at batay sa pagtatanong sa kanyang live-in partner sinabi nito na gabi noong July 30, 2024 ng tumawag sa kaniya ang biktima at nagpapasundo na.

Dahil may kalayuan ang lugar ay hindi agad nakapunta ang live-in partner nito at makalipas ang isang oras ay muling nakatanggap ng tawag ang live-in partner at isang nagngangalang Mark Gian ang kaniyang nakausap at sinasabing sunduin na ang biktima.

--Ads--

Pagpunta sa lugar partikular sa isang core shelter ay wala nang nadatnan ang live-in partner nito.

Agad na nagkasa ng imbestigasyon at hot pursuit operation ang City of Ilagan Police Station kung saan naaresto ang dalawa sa mga suspek habang nakatakas naman ang isa pa.

Batay sa salaysay ng mga suspek sila ay nag iinuman ng dumating ang biktima kung saan nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa pag-aaway.

Napagdesisyunan ng mga suspek na dalhin ang biktima sa sementeryo at doon isinagawa ang panghahalay at pagpatay.

Sa pamamagitan ng mga isiniwalat na impormasyon ng mga nadakip na suspek ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima pasado alas singko ng hapon noong July 31, 2024.